Nagbuga ng may 14,211 tonelada ng asupre ang Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras.
Ayon kay Director Teresito Bacolcol ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang paglabas ng asupre sa bulkan ay bahagi ng patuloy na degassing activity mula sa magma chamber ng bulkan.
Lumikha ang pagbuga ng asupre ng masangsang na amoy sa may Barangay Bilibinwang at Banyaga sa Agoncillo, Batangas, dulot ng pagpadpad ng hangin mula sa bulkan.
Gayunman sinabi nito na hindi ito indikasyon na sasabog ang Taal Volcano.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Bacolcol ang mga taong naninirahan sa Tagaytay na kung lalabas ng tahanan at sa mga pupunta sa Tagaytay na magsuot ng N95 masks kung may volcanic smog o vog dahil sa asupre at iba pang gases na lumalabas sa bulkan.
Sa nakalipas na 24 oras ay naitala rin ang upwelling ng mainit na volcanic fluids sa lawa.
Mayroon ding pangmatagalang pag-impis ng kalakhang Taal Caldera na may panandaliang pamamaga ng gawing hilaga at timog silangang bahagi ng Taal Volcano island.
Dulot nito, patuloy na pinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok ng sinuman sa loob ng Taal Volcano island lalona sa main crater at Daang Kastila fissures at pamamalagi sa lawa ng Taal.