Patuloy pa ring nagpapakita ng pagkaligalig ang Bulkang Taal batay sa pinakahuling monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Umabot na sa 51 na volcanic earthquakes kabilang ang 23 volcanic tremor ang naitala ng PHIVOLCS na tumagal ng mula dalawa hanggang anim na minuto at isang hybrid earthquake sa loob ng 24 oras.
Naitala rin ang mahinang pagsingaw na may taas na limang metro sa gas vents ng main crater ng Bulkang Taal.
Nakapagtala rin ng 795 na tonelada ng sulfur dioxide noong March 11 at nananatiling mataas ang temperatura at acidity ng Bulkang Taal.
Senyales umano ito ng pagkaligalig ng magma sa loob ng bulkan ang ipinapakita nito.
Nagpaalala ang PHIVOLCS na nanatili ang alert level 2 at bawal ang pagpunta sa Taal Volcano island dahil sa banta ng posibilidad ng biglang pagsabog ng bulkan at ito ay isang permanent danger zone.