San Fernando City, La Union – Sa tala ng Department of Social Welfare Development Regional Office 1 aabot sa humigit kumulang 29,000 na mga batang nasa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang classified na NAS o Not Attending School.
Pinakamataas dito ang Pangasinan na nasa 18,432 na mga batang hindi na nag-aaral, na sinusundan ng La Union na may 4,518, Ilocos Sur 3,420, at Ilocos Norte na nasa 2,930. Sa pagsisiyasat ng DSWD Region 1 lumalabas na nangungunang dahilan ng paghinto sa pag-aaral ng mga batang under sa 4Ps ay bullying at diskriminasyon na nararanasan nila mula sa paaralan.
Kaya naman mas pinaigting ngayon ng nasabing ahensya ang kanilang kampanya at programa upang hikayating bumalik sa pag-aaral ang apektadong mga bata at mapababa ang datos ng mga NAS. Ayon kay Jaesem Ryan Gaces, 4Ps Information Officer ng DSWD Region 1 patuloy sila sa implementasyon ng bata balik eskwela program upang matulungan at mapaliwanagan ang mga 4Ps students tungkol sa importansya ng pagtatapos sa pag-aaral at sa totoong layunin ng nasabing programa pamahalaan.
Samantala nilinaw ni Gaces na requirement man na nag-aaral ang mga anak para manatiling beneficiary ng 4Ps ang isang pamilya, binibigyan nila ito ng due process upang alamin ang dahilan kung bakit hindi nagpatuloy o nag-enroll ang kanilang mga anak sa eskwelahan.