BUMABA | Ranking ng Pilipinas sa pagnenegosyo, bumagsak

Lalo pang bumagsak ang pwesto ng Pilipinas sa buong mundo pagdating sa pagnenegosyo.

Batay sa ranking ng ease of doing business report 2019 ng World Bank (WB), mula sa 113th place noong nakaraang taon ay bumaba sa 124th place ang Pilipinas sa 190 na mga bansa pagdating sa pagnenegosyo.

Nakasaad sa report ng WB na tumaas naman sa 57.68 ang ‘overall ease of doing business score’ ng Pilipinas mula sa 56.32 noong 2017 dahil na rin sa mga repormang ipinatupad ng gobyerno.


Subalit, mas mabilis pa rin ang ipinatupad na reporma sa pagnenegosyo ng ibang mga bansa dahilan kaya naapektuhan ang ating global ranking sa pagbubukas at pag-uumpisa ng negosyo.

Nakaapekto sa mabilis na pagnenegosyo sa bansa ang mataas na buwis na ipinapataw sa registration costs at naging mas mahirap din ang pagpasok ng kalakal at mga produkto mula sa mga kalapit na bansa bunsod naman maraming inspeksyon na kailangang pagdaanan.

Ang rank ng Pilipinas ay hindi hamak na mas mababa sa regional average score na 63.41 sa East Asia and Pacific at mas mababa din kumpara sa mga kalapit na bansa sa malaysia, Thailand at Indonesia.

Samantala, kabilang naman sa top 10 na mga bansang madali ang pagsisimula sa negosyo at nakakuha ng mataas na ‘ease of doing business score’ ay New Zealand, Singapore, Denmark, Hong Kong, China, South Korea, Georgia, United States, United Kingdom at Macedonia.

Facebook Comments