Ikinabahala ni Senator Leila de Lima ang pagbaha ng mga panloloko sa pamamagitan ng email o text messages kung saan marami ang posibleng mabiktima dahil sa hirap ng buhay ngayon.
Babala ni De Lima, bukod sa data privacy concerns ay inaasahang maaapektuhan din nito ang contact tracing efforts ng gobyerno para mapigil ang pagkalat ng COVID-19.
Tinukoy ni De Lima, ang malakas na hinala ng mga nakakatanggap ng spam messages na ang mga impormasyon na ibinigay nila sa contact tracing applications ang ginagamit ng mga nasa likod ng modus.
Kaya naman giit ni De Lima sa National Privacy Commission (NPC) agad na magsagawa ng malalimang imbestigasyon bago pa tuluyang mawala ang tiwala ng publiko sa contact tracing sa bansa.
Giit ni De Lima, hindi dapat magpatuloy ang ganitong nakakabahalang gawain na maaari pang bumiktima at lalong magbaon sa marami sa hirap at kawalan ng pag-asa.
Kaugnay nito ay pinayuhan ni De Lima ang lahat na maging alerto at huwag basta i-click ang mga link na kahina-hinala upang hindi makompromiso ang privacy at personal na impormasyon.