Matapos ang ginawang occular inspection at preliminary investigation, inihayag ni Deputy Chief for Operation Lieutenant General Guillermo Eleazar na wala daw black box ang Bell 429 Chopper ng Philippine National Police o PNP.
Ito ang una nilang napansin kasama ang binuong Special Investigation Task Group (SITG) at una nilang pinuntahan ang lugar kung saan nag-take off ang chopper hanggang sa makarating sila sa crash site.
Layunin ng pagsasagawa ng imbestigasyon ay para malaman ang totoong nangyari at matukoy ang mga lapses para mareview na din ang guidelines and policies sa paggamit ng air assests ng PNP para hindi na maulit ang insidente.
Bagamat walang nakitang black box, kanilang pag-aaralan ang bawat pahayag ng mga saksi at ng mga sakay ng naturang chopper para magkaroon sila ng ideya sa totoong nangyari.
Dagdag pa ni Eleazar, nasa pitong bagong chopper ang nakahold ngayon o hindi muna pinapagamit pero hindi daw ito makakasagabal sa mga Police Operation tulad ng air surveillance at monitoring.
Bukod dito, inaabisuhan din nila ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Aviation Group ng PNP para tumulong sa karagdagang imbestigasyon.
Plano din dalhin ang Wreckage ng Bell 429 sa hangar ng PNP para pag-aralan at suriin upang matukoy kung ano ang dahilan ng pagbagaak nito.