*Cauayan City, Isabela- *Aayusin na ng Pamahalaang Panlungsod ng Cauayan ang bumagsak na daan partikular sa Villarta Street, District 1, Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay City Administrator Jose Abad, may nakalaang pondo na nagkakahalaga ng P300,000.00 para sa pagsasaayos sa nasirang lansangan sa Villarta Street.
Matatandaan na bumagsak noong December 23, 2018 ang naturang daan dahil lumambot sanhi ng walang tigil na pag-ulan sa mga nakaraang araw.
Hindi lamang aniya nasisimulang ayusin ang naturang lansangan dahil na rin sa patuloy na pag-ulan.
Paliwanag pa ng opisyal na unang humingi ng pondo si Barangay Captain Esteban Uy para sa pagsasaayos ngunit noong December 28, 2018 lamang dumating ang inilaang pondo kung saan may purchase order na rin para sa nasabing kalsada.
Samantala, Target aniya ng pamahalaang Lungsod ng Cauayan na matapos ang pagsasaayos ngayong buwan ng Enero taong 2019 kung sakaling magiging maganda ang panahon.