Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na nasa 80-porsyento ng kaparian ay mga bakla.
Ito ang panibagong banat ng Pangulo sa mga obispo at simbahang Katolika.
Hinikayat ng Pangulo ang publiko na manalig sa Diyos at huwag magpaloko sa relihiyon.
Inirekomenda ng Pangulo sa publiko na basahin ang isang libro na naglalaman ng mga baho ng mga pari.
Ikinabahala naman ito ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ayon kay Episcopal Commission on Laity Chairperson, Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – napaka-iresponsable ng mga pahayag ng Pangulo.
Iginiit pa ni Pabillo, hindi nito itatama ang mga ginawang kasalanan ng Pangulo.
Tinawag namang ‘megalomaniac’ o ‘taong lulong sa kapangyarihan’ at mamamatay tao ni CBCP-Episcopal Commission on Missions Chairperson, Sorsogon Bishop Arturo Bastes ang Pangulo.
Para naman kay CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People Chairperson, Bataan Bishop Ruperto Santos – palalawakin lamang nito pagkakawatak o dibisyon ng mga Pilipino.
Depensa naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, inihahayag lamang ng Pangulo ang kanyang galit sa patuloy na pag-atake ng simbahan sa kanyang administrasyon.