Nagbanta ang isang labor group na tatapatan nila ng kontra aksyon kung hindi iwawasto ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board -NCR ang pinalulutang na P25 wage increase.
Ayon kay Bukluran ng Manggagawang Pilipino Chairman Leody de Guzman, sa halip na dagdagan ng mga manggagawa ang produksyon o habulin ang bagong quota at target, ay tutumbasan na lamang nila ito ng trabahong pang P25 lamang na pasahod.
Giit ng grupo na ang karagdagang P25 ay hindi sapat para maka-recover sa halagang nawala dahil sa inflation matapos magtaasan ang presyo ng bilihin at serbisyo sa nakalipas na buwan.
Argumento pa nila na ang P537 arawang sahod ay malayo sa tinatayang P1,400 daily wage na sinasabi ni Socio economic planning Secretary Ernesto Pernia o ng constitutional provision on Living Wage.
Noong nakalipas na buwan ng Hunyo, sinabi ng NEDA chief na para makapamuhay ng desente ang isang pamilya na may limang miyembro kailangan na sumasahod ito ng P42,000 kada buwan.
Inakusahan ng labor group ang regional wage board na sadyang nakadisenyo para pagkaisahan ng kapitalista at gobyerno ang manggagawa.