Nananatili pa ring nakabinbin sa House Committee on Legislative Franchise ang renewal application ng Panay Electric Company (PECO).
Ito ay bunsod na rin ng petition na ‘No to PECO’ na isinumite sa Kamara ng mga residente ng Iloilo City at ng konseho dahil sa hindi maayos na serbisyo sa mahabang panahon.
Umapela din sa Kamara ang mga residente ng Iloilo City dahil sa pagbabanta ng PECO na ititigil nila ang kanilang operasyon kung hindi ire-renew ng Kongreso ang kanilang congressional franchise.
Una nang sinabi ni PECO Legal Counsel Atty. Inocencio Ferrer na ang Kamara at Senado ang dapat na sisihin ng mga residente sa mararanasang citywide blackout dahil sa hindi pagre-renew ng kanilang prangkisa.
Buwelta naman ng mga residente, walang dapat na sisihin sa sinapit ng PECO kundi ang pamunuan nito na sa loob ng 95 taong operasyon ay hindi nagawang imodernisa ang kanilang pasilidad na nagresulta sa madalas na inirereklamong brownout at mababang kalidad na serbisyo.