Manila, Philippines – Hinamon ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) si Budget Secretary Benjamin Diokno na bawiin ang kaniyang pahayag na maaring isakripisyo muna ang kapakanan ng mga magsasaka sa harap ng pagpapaampat sa sumisipang inflation rate.
Ayon kay ALU-TUCP Vice President Luis Corral, isang moral insensitivity ang sinabi ni Diokno sa isang TV interview na prayoridad ng gobyerno na tugunan muna ang kagutuman ng 100 million consumers.
Ito ay kumpara aniya sa 2.5 million na rice farmers na maapektuhan naman ng mas agresibo pang pag-i-import ng bigas na gagawin ng gobyerno.
Insulto aniya ito sa mga magsasaka na nagpapakain sa bansa na ngayon ay nahaharap na rin sa matinding kahirapan.
Sinabi naman ni ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay na kahit pa pabahain ni Diokno ng imported na agricultural products ang mga pamilihan ay wa epek pa rin ito dahil wala namang maibili ang mga mahihirap.
Muling inulit ng ALU-TUCP ang panawagan na ipagkaloob na ang hinihingi nila na 500 peso monthly cash subsidy ng gobyerno sa may 4 million na minimum wage earners sa bansa.