Nadagdagan pa ang bilang ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na nasawi dahil sa COVID-19 na ngayon ay umaabot na sa 123.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, ang panibagong nasawi ay isang buntis na pulis na nakatalaga sa Central Luzon na namatay nitong October 17 dahil sa acute respiratory syndrome secondary to COVID-19.
Batay aniya sa medical records nito, October 8 ay na-admit ito sa isang ospital sa Baler, Aurora dahil sa hirap sa paghinga at matapos na sumailalim sa test ay nagpositibo ito sa COVID-19.
October 10, inilipat ito sa Nueva Ecija at isinailalim sa emergency caesarian operation at nanganak pero namatay rin ang bata.
Makalipas ang ilang araw, namatay na rin ang babaeng pulis.
Nagpa-abot naman ng pakikiramay si PNP chief sa pamilya ng nasawing pulis.
Samantala, sa ngayon batay sa datos ng PNP Health Service bumababa ang kaso ng COVID-19 sa PNP.
Ngayong araw, mayroong naitalang 47 na bagong kaso kaya umabot na sa 41,311 ang COVID cases sa PNP, sa bilang na ito 941 ang active cases.
58 naman ang mga bagong gumaling kaya umabot na sa 40, 248 ang kabuuang recoveries.