Sa tingin ni Senate President Vicente Sotto III, hindi pa ligtas na isailalim sa Modified General Community Quarantine o MGCQ ang buong bansa.
Ayon kay Sotto, ito ay dahil sa muling pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa, partikular na sa Metro Manila kung saan tatlong araw ng nakapagtala ng higit tatlong libong bagong kaso.
Naniniwala si Sotto na naging kampante ang marami kaya muling tumataas ang bilang na nahahawaan ng virus.
Ikinaalarma naman nina Senators Panfilo Lacson at Senator Sonny Angara ang muling pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa at dapat ding ikabahala ng ating mga health authorities.
Iginiit naman ni Senator Angara, dapat tayong mag-doble ingat ngayon dahil mas infectious o mas madaling makahawa umano ang bagong variant ng COVID-19 na nakapasok sa bansa.
Dagdag pa ni Angara, dapat ding magkaroon ng information campaign hinggil sa bagong variant at ang kahalagahan ng ibayong pag-iingat.