Buong pamilya sa Italy, patay sa parehong linggo dahil sa COVID-19

LOMBARDY, Italy – Nasawi ang isang buong pamilya sa parehong Linggo dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa loob ng iisang ospital.

Ayon sa ulat ng Italian news agency iI Fatto Quotidiano, unang nasawi si Blacksmith Alfredo Bertucci, 86 noong Biyernes na sinundan ng kanyang dalawang anak na lalaki na sina Daniele, 54, at Claudio, 46 sa parehong ospital.

Pagsapit ng Miyerkules ng umaga ay sumunod na nasawi si Angela Albergati, 77, matapos maging malubha dahil sa coronavirus.


Base sa report ng The Sun, bago bawian ng buhay si Albergati ay wala umano itong ideya sa pagkawala ng kanyang pamilya.

Samantala, itinuturing namang malagim na trahedya ni Massimo Giovanni Fasano, isang malapit na kaibigan ang kanilang pagkasawi.

Aniya, malulusog at malalakas umano ang naturang pamilya.

Nasawi ang apat sa Voghera Hospital sa Lombardy, ang rehiyon sa Italy na may pinakamatinding tinamaan ng COVID-19.

Nito lamang Huwebes ng umaga, umabot na sa mahigit 11,000 kaso ng coronavirus ang Italy habang pumalo naman sa 13,000 ang mga namatay na.

Facebook Comments