Bureau of Immigration, gumagawa na ng hakbang para mapadali ang pag-proseso sa pag-alis ng bansa ng mga dayuhan

Pinadali na ng Bureau of Immigration ang pagproseso sa pag-alis sa bansa ng mga dayuhang mayroon nang aprubadong visa applications kahit pa natatatakan ang kanilang mga pasaporte.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, aprubado na ang mas pinadaling proseso ng visa rules para sa mga dayuhan na mayroong pending application sa iba’t ibang uri ng visa sa panahon na ipinatutupad ang Enhanced Community Quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Commissioner Morente na layon nito na maresolba ang problema ng mga dayuhan na inabutan sa bansa ng lockdown at nagnanais na makauwi na sa kanilang mga bansa pero hindi pa nakakakumpleto ang buong proseso ng kanilang visa application.


Sa regular kasi na proseso ng Immigration, ang mga dayuhang may aprubado nang visa application ay kinakailangan pang magsumite ng kanilang pasaporte sa BI bago mailagay ang kanilang approved visa.

Ayon kay BI Port Operations Divisions Chief Grifton Medina, ang mga paalis na foreigner na may aprubadong visa ay hindi na hahanapan ng affixed visa sa kanilang pasaporte.

Sinabi ni Medina na kailangan ng mga foreigner na magprisenta sa mga Immigration Officer ng kanilang valid passports, printout ng pangalan at patunay na mayroon na itong aprobadong visa application, endorsement ng DOJ o certificaton mula sa approving office at official receipts bilang patunay na bayad na ang kanilang re-entry at exit permit fees.

Facebook Comments