Inilunsad na ng Bureau of Immigration ang kanilang Electronic gates (E-gates) sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang paghahanda na rin sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong christmas season.
Layon nito na mabawasan ang mahabang pila sa immigration counters ngayong holiday rush.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, gagawin muna sa NAIA 2 immigration departure area.
Una nang ipinatupad ang paggamit ng E-gate system noong nakaraang taon sa immigration arrival areas ng NAIA terminal 3 at international airports sa Mactan-Cebu, Davao, at Clark.
Ayon sa immigration, nakatulong ang E-gates na ito na maiwasan ang sobrang haba ng pila sa immigration counters.
Maglalagay din aniya ang service provider ng dalawang E-gates at biometric machines sa NAIA terminal 2 na exclusive para sa mga ofws at airline crew ng Philippine Airlines.
Sasailalim parin sa regular na immigration inspection ang mga pasahero, pero pinag aaralan na rin anya ng BI ang posibleng pagpapagamit nito sa mga permanent residents at iba pang acr i-card holders.