Naalarma ang Bureau of Immigration (BI) hinggil sa mga overstaying na dayuhan na gumagamit ng pinekeng passport para makaalis ng Pilipinas o makabalik sa kanilang bansa.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, halos magkasunod na insidente ang nahuli nilang dayuhan na gumagamit ng pinekeng Philippine passport kung saan isang lalaking Chinese at isang babaeng Vietnamese national ang kanilang naharang.
Nabatid na ibang pangalan ang nakalagay sa kanilang mga Philippine passport habang ang Chinese national ay mayroon pang original na birth certificate.
Maging ang passport na hawak nito ay pineke rin ang mga tatak mula sa Immigration.
Ang babaeng Vietnamese national naman ay umamin na tinulungan ng kaibigan para makakuha ng pekeng passport.
Sinabi ni Tansingco na kumukuha ng mga pekeng Philippine passport ang mga dayuhan para makalusot sa inspeksyon ng immigration pero hindi naman ito umubra.
Matatandaang nitong pagpasok lamang ng Enero ay naharang din ng BI ang dalawang dayuhan na may hawak na pekeng passport na nais din makalabas ng bansa.