Mayroon na lamang hanggang March 1 ng taong ito ang lahat ng foreign nationals na rehistrado sa Bureau of Immigration (BI) para sa kanilang personal appearance sa BI.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, hindi na sila magbibigay ng extension para sa taunang pag-report ng aliens.
Sa ilalim kasi ng Alien Registration Act of 1950, obligado ang lahat ng dayuhan sa bansa na may immigrant at non-immigrant visas na mag-report in person sa bureau sa unang 60 araw ng calendar year.
Nagbabala si Morente na ang sinumang dayuhan na hindi makakatalima rito ay maaaring pagmultahin, makansela ang visa, mapa-deport o di kaya ay makulong.
Pinapayuhan naman ang lahat ng foreign nationals na hindi pa nakapagpatala sa BI na magparehistro na online sa http://e-services.immigration.gov.ph para sa kanilang slots.
800 slots ang taunang nakalaan kada araw habang ang araw ng Sabado ay nakareserba sa accredited entities at para sa remote reporting sa malaking bulto ng mga aplikante.