Bureau of Immigration, nagpaalala sa extension ng travel ban sa 7 mga bansa sa harap ng COVID surge doon

Nag-anunsyo ang Bureau of Immigration (BI) na mahigpit nilang ipapatupad ang extended travel ban sa 7 mga bansa na may mataas ng kaso ng COVID-19 variants.

Base sa abiso ng BI, ang mga pasaherong mula sa India, Pakistan, Nepal, Bangladesh, Sri Lanka, Oman at UAE ay hindi papayagang pumasok sa bansa hanggang sa June 15.

Ang may mga travel history naman sa nasabing mga bansa sa nakalipas na 14 araw ay hindi rin papayagang pumasok sa Pilipinas.


Ang mga papayagan lamang na pumasok ng Pilipinas ay ang mga pasaherong nag-transit at nag-layover sa naturang mga bansa o ang mga pasaherong hindi nag-exit sa airport doon at hindi natatakan ng immigration ang passport.

Nagpaalala rin ang Bureau of Immigration na hindi pa rin papayagang makapasok ng Pilipinas ang mga dayuhang turista.

Ang papayagan lamang na makapasok ng Pilipinas ay mga Pilipino, Balikbayan, at foreign nationals na may valid at existing visas na hindi magmumula sa mga bansang may travel ban ang Philippine government.

Facebook Comments