Nagbabala ang Bureau of Immigration (Bl) sa mga Pilipino hinggil sa paghahanap ng trabaho sa Myanmar.
Ito ay dahil sa talamak na kaso ng human trafficking, bukod pa ang nagpapatuloy na civil war doon.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, nasa Crisis Alert Level 2 na ang Myanmar o Restricted Phase.
Ibig sabihin, ang mga dokumentadong Overseas Filipino Workers (OFWs) lamang ang pinapayagang magtungo sa Myanmar, habang pinatutupad ang mahigpit na protocols.
Apat na Filipino na rin ang pinauwi dahil sa kasong human trafficking noong Nobyembre 21 matapos mabiktima ng illegal recruitment.
Umalis sa Pilipinas ang apat na biktima ng illegal recruitment na nagpanggap na mga turista ngunit kalaunan ay na-recruit ng kanilang mga kakilalang dayuhan para magtrabaho sa Myanmar.
Dalawa sa mga biktima ang nagsabi na na-recruit sila sa pamamagitan ng isang job posting sa Facebook bilang mga customer service representative sa Myanmar.
Ang mga biktima ay pinilit na magtrabaho sa mga online scamming activity at nakaranas ng physical abuse.