Burial at financial assistance sa pamilya ng mga nasawi sa pagguho ng pader sa Tagaytay City, ipinag-utos na ni DSWD Sec. Erwin Tulfo

Ipinag-utos agad ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang pagbibigay ng financial at burial assistance sa pamilya ng anim na construction workers na nasawi at dalawa pang sugatan sa pagguho ng pader sa Hortaleza Farm sa Tagaytay City.

Sinabi ni Tulfo na inatasan na niya ang DSWD-Region 4A na makipag-ugnayan sa pamilya para dalhin ang ₱25,000 na burial assistance at dagdag na ₱10,000 financial assistance sa mga biktima ng nasabing insidente.

Dagdag pa ni Tulfo, sisiguraduhin niya na makakatanggap ng tulong ang mga pamilya.


Kaugnay nito, ayon sa mga pamilya ng mga nasawi ay malaking tulong ito para maging maayos ang burol at libing ng mga biktima.

Malaking tulong din anila ang financial assistance para sa pagsisimula ng bagong buhay lalo’t ang mga nasawi ay ang mga tanging inaasahan para mabuhay ang kani-kanilang pamilya.

Tiniyak naman din ng Tagaytay-LGU na tutulong sila sa mga gastusin.

Samantala, sa Laging Handa public press briefing ay muling pinaalala ni Department of Labor and Employment (DOLE) – Occupational Safety and Health Center (OSHC) Executive Director Noel Binag na maaaring lumapit sa Employees Compensation Commission (ECC) ang mga pamilya ng nasugatan o nagkasakit sa kanilang trabaho upang makakuha ng kaukulang tulong o ayuda.

Facebook Comments