Dinakip ng pulisya ang isang buriko kasama ang walo pang suspek na may kinalaman umano sa pasugalan sa Pakistan noong Sabado.
Ayon sa ulat ng Samaa TV, lumabas na kasama ang pangalan ng hayop sa first information report (FIR) na pinagbasehan ng pulisya nang salakayin ang sinasabing pasugalan sa Rahim Yar Khan.
Nakumpiska sa raid ang 120,000 Pakistan rupees (P36,500) na ayon sa mga suspek ay perang ipangtataya nila sa karera ng buriko.
Samantala, nananatili namang nakatali ang hayop sa labas ng istasyon ng pulis at hindi umano maaaring pakawalan.
Donkey arrested for participating in a gambling racing in Rahim Yar Khan. Eight humans also rounded up, Rs 120,000 recovered. https://t.co/RIULiecduw pic.twitter.com/1FipntTR60
— Naila Inayat नायला इनायत (@nailainayat) June 7, 2020
Dinakip ang mga akusado alinsunod sa ordinansang nagbabawal pagsusugal sa nasabing lugar.
Noong nakaraang buwan lang, isang kalapati naman ang inaresto ng awtoridad sa India matapos paghinalaang “spy” mula sa Pakistan.
Nahuli sa border ng India at Pakistan ang ibon na nakitaan sa paa ng isang singsing na may mga numero at letra.