
Isang kolektor ng basura ang naaresto matapos mahulihan ng mahigit ₱45,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Pantal, Dagupan City, madaling araw ng Pebrero 26, 2026.
Bandang alas kwatro ng umaga nang ikasa ng City Police Drug Enforcement Unit ang operasyon sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 1 at iba pang yunit ng pulisya.
Ang suspek, na residente ng Barangay Mabilao, San Fabian, Pangasinan, ay itinuturing na Street Level Individual.
Nakumpiska sa kanya ang dalawang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng tinatayang 6.64 gramo na may street value na ₱45,152.
Narekober din ang isang cellphone, ilang drug paraphernalia, isang body bag, at ang marked at boodle money na ginamit sa transaksyon.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Dagupan City Police Office ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










