Umarangkada na ang Bus Augmentation Program ng Philippine National Railways (PNR) matapos itigil ang operasyon nito sa Metro Manila.
Pasado alas-5:30 ng umaga nang umalis ang unang biyahe ng bus mula sa Tutuban Station ng PNR sakay ang walong pasahero.
Nasa 11 pasahero naman ang sakay ng unang biyahe mula Alabang sa Muntinlupa papunta ng Maynila.
Sa ngayon, marami sa pasahero ng PNR ang nakikiramdam pa sa benepisyo ng bus augmentation na karamihan ay pumapasok sa trabaho at paaralan.
Sinabi naman ni Joseline Geronimo ang Operations Chief ng PNR, kada 30 minuto ang abiso sa kanila ng kompanya ng bus na bibiyahe kahit hindi puno ng pasahero.
Pero ilan sa mga pasahero ay hindi na tinangkilik o sumakay ng bus kung saan naghanap na lamang sila ng ibang masasakyan dahil posibleng maipit sila ng daloy ng trapiko.
Nabatid na daraan ang bus ng Bus Augmentation Program ng PNR sa Abad Santos, Recto, Legarda, Nagtahan, Quirino, Dela Rosa/ Buendia, Magallanes, Bicutan at Sucat hanggang makarating ng Alabang.