Butcher, Sinaksak ng Sariling Tatay!

Cauayan City, Isabela- Sugatan ang isang lalaki matapos saksakin ng mismong ama sa Barangay Centro 1, Tuguegarao City, Cagayan.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, ang biktima ay nakilalang si Joel Gannaban, 40 anyos, walang asawa, butcher at residente ng naturang barangay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, habang naghahanda ng kanilang panggabihan ang ama na si Johnny Gannaban, 68 anyos, construction worker ay dumating ang anak na nasa impluwensya ng alak at bigla na lamang pinagsusuntok sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang kanyang tatay.


Dahil dito, agad na kumuha ng patalim sa kusina ang tatay at inundayan ng saksak sa braso at tiyan ang anak.

Sinubukan pang tumakas ng suspek subalit naabutan ito ng mga rumespondeng pulis kaya’t agad itong naaresto.

Dinala sa Cagayan Valley Medical Center ang biktima para sa kaukulang lunas habang ang tatay nitong suspek ay nasa pangangalaga ng Tuguegarao City Police Station.

Facebook Comments