Buwan ng Kabataan 2019, Sinimulan na ngayong araw!

*Cauayan City, Isabela- *Sinimulan na ngayong araw ang selebrasyon ng Buwan ng Kabataan 2019 sa pangunguna ni Isabela SK Federation President at SP Ex-Officio Member Dax Paulo Binag.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Isabela SK Fed. Pres. Dax Paulo Binag, magkakaroon mamayang alas tres ng hapon ng isang misa na gaganapin sa St. Michael de Archangel Cathedral Gamu, Isabela para sa launching ng Year of the Youth na susundan ng isang concert at Talent showcase mula sa iba’t-ibang bayan at Lungsod sa Lalawigan ng Isabela.

Bilang bahagi sa pagdiriwang sa buwan ng mga kabataan na inaasahang lalahukan ng 25 libong kabataan mula sa Lalawigan ay magkakaroon ng massive job fair sa Agosto 12, 2019 na gaganapin sa FLDY Coliseum, Cauayan City, Isabela na susundan ng bloodletting activity sa ika-16 ng Agosto na isasagawa naman sa Isabela Provincial Capitol.


Sa ika-24 at 25 ng Agosto ay magkakaroon ng Youth Training sa Gamu, Isabela na layong mabigyan ng kaalaman ang mga kabataan sa pagsasagawa ng first aid.

Sa Agosto 26, 2019 naman ay magkakaroon ng Bayanihan Challenge na isang programa ng paaralan na layong pagkaisahin ang mga kabataan para sa kanilang isasagawang massive clean up drive.

Ayon pa kay SK Fed. President Binag, nakatakda rin na magsagawa ngayong buwan ng Agosto ng massive Tree Planting ang mga kabataan sa Sitio Lagis, Sindon Bayabo, Ilagan City, Isabela.

Kaugnay nito, kanyang inaanyayahan ang lahat ng mga kabataan na dumalo at makiisa para sa naturang pagdiriwang.

Facebook Comments