BUWAN NG MGA PUSO | Mga mukha ng pag-ibig

Nasubukan mo na bang magmahal? Nasubukan mo na rin bang masaktan?

Pag-ibig o pagmamahal, dalawang salitang magkaiba ng letra pero sobrang galak ang madarama kapag nakamit mo na.

Isa sa mga okasyon na hinihintay ng karamihan lalo na ang mga magkasintahan, mag-asawa o yung mga taong patuloy pa ring umaasa na magiging sila ng taong mahal nya ay ang Araw ng mga Puso. Namimigay ng bugkos ng iba’t-ibang klase at kulay na mga rosas. Mga tsokolateng nakakasira ng ngipin ngunit nakapagpapasaya ng damdamin. Mga liham na puno ng pagmamahal ang laman. Ilan lang yan sa mga bagay na madalas ibigay sa mga iniirog, sobrang espesyal at totoo namang pinag-iipunan. Napakasaya.


Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng araw na ‘to? Ikaw na walang kinakasama sa kasalukuyan, wala ka na bang karapatang ipagdiwang ang mga ganitong okasyon? O ikaw na may kayakap at kahawak kamay, ikaw lang ba ang dapat na maging masaya? Ikaw na nasasaktan at pinagkaitan ng minamahal, handa ka na bang daanan ang petsang ito? Mga tanong na sana’y mabigyan ng kasagutan.

Sa araw na ‘to, marami kang makikitang mga pusong nakasabit. Andyan na rin si kupido handa ng panain ka. Pero teka, handa ka na ba? Hindi lang sa pasko makikita ang mga kulay pulang mga blusa, pati na rin sa araw na ‘to. Punung-puno ang paligid ng pag-ibig. Masasayang halakhak habang hinihigop ang nagyeyelong kape, kasabay na ninanamnam ang bawat sandali kasama ang mahal. Napakasaya talaga.

Ngunit sa kabilang banda, may ilan pa rin namang nagsasabi na ito’y isang ordinaryong araw lamang. Patuloy sa pagtatrabaho para maiahon sa hirap ng buhay ang mahal. Upang may pangtustos sa bawat ulam na ihahain sa hapag kasabay ng mainit na kanin para sa lahat. Hindi inda ang masayang araw na ‘to, at marahil maisagot pa sayo na,“Walang namang iba sa araw na ‘to, maliban na lamang sa mga rosas at pusong benta ko.”

Hindi lang para sa ‘yo o sa kanya ang araw na ‘to kundi para sa lahat. Naghihinagpis ka man dahil sa kahirapan, umiiyak dahil sa lumisan na minamahal o masaya dahil kasama mo siya. Oo, ito’y araw ng mga puso, nasa pangalawang pahina ng kalendaryo at ikalawang linggo ng Pebrero pero ito’y katulad ng lahat ng araw sa taon dapat laging maging masaya. Ang makapangyarihang pag-ibig ay nagmula sa pamilya.
Para sa mga nagmamahal, kung ano man ang sagot mo hindi yan nakadepende sa katabi mo. Umiiyak ka pa rin ba sa tuwing naalala mo siya? Iiyak mo lang yan, pagkatapos punasan mo. Asahan mong panibagong araw na naman tayo bukas. Pumikit ka, damhin ang hangin, damhin ang bawat segundo ng buhay at maging masaya. Eh ano ngayon kung sila may kadate ikaw wala. Walang kulang sayo, sadyang may mga bagay lang sa mundo na di naaayon sa kagustuhan natin marahil hindi pa ngayon o bukas, kailangan mo lang maghintay darating din siya para pasayahin ka.

Contributed by Crystal Mae Aquino

Facebook Comments