Bumaba ng 68.63 o halos 69 percent ang buwis na nakolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means, sinabi ng BIR na noong Enero ay nakakolekta ito ng 327 million pesos mula sa POGO kumpara sa mahigit isang bilyong piso koleksyon dito noong Enero 2020.
Inaasahan na sa buong 2021 ay aabot lamang sa 3.92 billion pesos ang kabuuang koleksyon sa POGO na mas maliit kumpara sa 7.1 billion pesos na nakolekta noong nakaraang taon.
Sa pagdinig ng Senado ay ipinaliwanag ng BIR na bunga ito ng pagsasara ng ilang POGO at pag-alis ng mga manggagawang Chinese na ayaw magbayad ng buwis at takot din sa banta ng COVID-19.
Iginiit naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na muling tataas ang koleksyon sa POGO kapag naipasa ang panukalang taasan ng 5 porsyento ang franchise tax, 2 percent na regulatory fee at 25 porsyentong income tax sa mga dayuhan manggagawa nito.
Ayon kay Recto, kapag naisabatas ang nabanggit na mga panukala ay maaring umabot sa 65-billion pesos ang makokolekta sa mga POGO.