Buwis ng mga Pilipinong US-based ang mga kliyente, ipina-a-apply sa tax rate sa Pilipinas

Hiniling ni Albay Rep. Joey Salceda sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na i-apply sa tax rate ng Pilipinas ang kita ng mga Pilipino mula sa kanilang mga US clients.

Layunin ng isinusulong ng kongresista na mapababa ang tax rates ng mga Pilipinong nagtatrabaho “remotely” sa bansa pero ang mga kliyente ay mula sa Estados Unidos.

Ayon kay Salceda, ang mga Pinoy na nagtatrabaho para sa mga US clients tulad ng mga YouTubers, Amazon virtual assistants at iba pa ay pinapatawan ng Federal Withholding Tax na 30%.


Hindi hamak na mas mataas ito sa maximum na 20% na ipinapataw ng Pilipinas na final withholding tax.

Kung ganito ang mangyayari ay tiyak na mas malaking kita ang maiuuwi ng mga empleyado tulad na lamang sa ibinawas sa Personal Income Tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.

Hinimok ni Salceda ang BIR na aralin kung anong tax rate ang nararapat na ipataw dahil naniniwala ang kongresista na posible pang i-apply ang mas mababa sa 20% na tax rate para sa mga Filipino workers na ang pinagtatrabahuan o kliyente ay mula pa sa Estados Unidos.

Facebook Comments