Iginiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na maibalik ang “Buy Filipino” provision sa pambansang budget.
Mungkahi ito ni Recto makaraang lumabas sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang malaking kinita sa kontrobersyal na pagbili ng pandemic supplies sa China.
Sabi ni Recto, malinaw sa pagdinig na kaya naman nating gumawa ng magandang kalidad at mas murang PPE, face shields at face mask kaya walang dahilan para bumili pa sa ibang bansa tulad sa China.
Ipinaalala ni Recto na sa ilalim ng Marcos at Aquino administration ay laging may probisyon sa General Appropriations Act (GAA) ukol sa Buy Filipino rule pero nawala na ito sa 2014 budget.
Giit ni Recto, malaki ang maitutulong ng nasabing probisyon sa local manufactures na makapagpatuloy sa kanilang operasyon at makapagpasuweldo sa kanilang mga manggagawa lalo na ngayong may pandemya.