Sa layuning tulungang makabangon muli ang mga negosyante lalong-lalo na ang mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) mula sa pagkakalugi dulot ng COVID-19 pandemic. Hinikayat ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez ang mga Pilipino na tangkilikin ang sariling atin.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Lopez na sa pamamagitan ng pagbili ng lokal na produkto, tinutulungan nating makabawi mula sa pagkakalugmok ang mga lokal na kumpanya na mayroong lokal na mga manggagawa nang sa ganoon ay maisasalba pa nila ang kanilang negosyo at hindi mauwi sa pagsasara na magreresulta naman sa unemployment.
Base sa datos ng DTI, mayroong 858,840 Micro, Small, and Medium Enterprises sa buong bansa kung saan 56.4% o 484,488 MSMEs ang nagtigil operasyon sa kasagsagan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) o lockdown.
Sa kabilang banda, hindi naman iminumungkahi ng DTI ang pag-ban sa importasyon ng mga imported na produkto.
Ayon sa kalihim, suportado nila ang free market at kompetisyon pero kung maaari mas unahing tangkilikin ang mga local products lalo na kung pareho lamang ang presyo at nakakatalima sa product standards.