Nilinaw ng Palasyo na tanging ang mga Pinoy tourist lamang ang pagbabawalang makalabas ng bansa habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa rehiyon dahil sa COVID-19.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na ang mga outbound passengers ay maaaring umalis anomang oras kahit umiiral ang ECQ. Gayunpaman, dapat ang kanilang departure ay naka scheduled sa loob ng 24 na oras mula nang umalis sila sa kanilang mga hotel o tahanan. Kailangan lamang nilang ipakita ang kanilang travel itinerary.
Ang outbound international flights ay para lamang sa mga foreigners, OFWs at mga balikbayan.
Nasa isang indibidwal o driver lamang ang maaaring maghatid sa pasahero sa airport, at kailangan nitong magdala ng sariling kopya ng ticket ng pasahero bilang katibayan. Kailangan rin na umalis agad ang driver matapos na i-drop off ang kaniyang pasahero.
Kaugnay naman sa inbound flights, ang mga Pinoy at OFWs na uuwi ng bansa ay papayagan anomang oras. Papayagan ring makapasok sa bansa ang kanilang foreign spouses at mga anak, maging ang mga permanent residents sa bansa.
Gayunpaman, para sa mga Pinoy na magmumula sa China, Hong Kong at Macau, subject ang mga ito sa 14-day quarantine sa mga quarantine facility.
Para naman sa ibang Pinoy na magmumula sa ibang bansa, dapat ay sumunod ang mga ito sa mandatory home quarantine.
Ayon naman sa DOTr, ang mga international passengers ay pahihintulutan ring makapasok ng bansa ngunit subject to strict immigration at quarantine measures ang mga ito.
Ang mga pasaherong mula sa Iran at Italy ay nangangailan ng medical certificate na pinagtibay ng kanilang embahada, at nagpapatunay na maayos ang kanilang kalusugan.