Nagsimula nang dumami ang mga sasakyan sa North Luzon Expressway (NLEX) na palabas ng Metro Manila para gunitain ang Undas sa mga probinsiya.
Ayon kay Robin Ignacio, senior manager ng traffic operation department ng NLEX, kahit pa bahagyang humaba ang pila, hindi naging matagal ang pag-aantay ng mga motorista sa toll plaza.
Aniya, binuksan na nila ang lahat ng toll collection points kung saan 28 rito ay nasa Balintawak, 10 sa Mindanao Avenue, 20 sa Tarlac at 6 sa Tipo.
Pero kung hindi pa rin sapat ang mga ito, magdadagdag aniya sila ng portable booth at toll collection equipment para mas mapabilis ang usad ng mga sasakyan.
Inaasahan ring makakatulong sa daloy ng trapiko ang pagsuspinde ng mga road works sa NLEX-SCTEX hanggang Nobyembre 5.
Sa tala naman ng NLEX, mula Miyerkoles ng umaga ay nasa 30 minor accidents na ang kanilang naitatala pero dahil nakakalat ang mga patrollers ay madali naman itong naiaalis sa ginta ng kalsada.
Sa South Luzon Expressway (SLEX) naman, nanatili pa ring magaan ang daloy ng trapiko sa ilang lugar maliban sa northbound ng Alabang at Filinvest na nakararanas ng moderate to heavy traffic.
Sabi ng pamunuan ng SLEX, ang mga lugar na dapat bantayan ay ang Sta. Rosa hanggang Calamba Toll Plaza A at B, at Ayala Toll Plaza.