C130 at C295 aircraft ng AFP, tumutulong na ngayon sa pagsasagawa ng damaged assessment operation sa mga lugar na lubhang sinalanta ng Super Typhoon Rolly

Nakadeploy na ngayon ang isang C130 at dalawang C295 aircraft ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para tumulong sa isinasagawang damage assessment operations sa mga lugar na matinding sinalanta ng Super Typhoon Rolly.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Capt. Jonathan Zata, naka-heightened alert ngayon ang kanilang humanitarian assistance and disaster response (HADR) para tumulong sa mga lokal na pamahalaan at national agencies sa pagresponde sa mga lugar na matinding sinalanta ng Super Typhoon Rolly.

Sa ngayon aniya, ang C130 at C295 aircraft ay nag-iikot sa Catanduanes, Legazpi, Camarines Provinces, at Northern Samar.


Bukod sa pagsasagawa ng assessment operations, nagdadala rin ang mga ito ng equipment at supplies at may sakay na mga dagdag tropa para augmentation force sa military disaster response units sa Bicol Region.

May limang helicopter din ng AFP ang ginagamit ngayon para sa aerial, recon, evacuation at pagdadala ng mga pagkain.

Una nang idineploy ng AFP ang 5000 active duty personnel at 3000 mga reservist at auxiliary forces para sa HADR sa mga lugar na dinaanan ni Super Typhoon Rolly.

Samantala, kahit naman abala ang AFP sa mga pagresponde sa mga naapektuha ng bagyo, tiniyak ni AFP Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay na nakaalerto rin sila sa posibleng pag-atake ng Communist Terrorist Group (CTG).

Facebook Comments