CA, inatasan ang DOTr na magtalaga ng task force sa lahat ng transport terminals sa buong bansa

Hiniling ni Commission on Appointments (CA) Assistant Majority Leader Cong. Luis Raymund Villafuerte sa Department of Transportation (DOTr) na magtalaga ngayong holiday season ng Task Force sa land transports, airports at seaports.

Ang hirit ng mambabatas ay kaugnay na rin sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa mga bus terminal, paliparan at pantalan na magsisiuwian sa mga lalawigan ngayong Pasko at Bagong Taon.

Sa deliberasyon ng CA para sa ad interim appointment ni Transportation Secretary Jaime Bautista, inihirit ni Villafuerte ang paglalagay ng Task Force sa mga terminal, airport at seaport upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan sa pagbiyahe ng mga pasahero.


Tugon naman ni Bautista, nakikipag-ugnayan na ang DOTr sa lahat ng sektor ng transportasyon sa bawat rehiyon kung saan lahat ng opisyal ay inatasan na tiyakin na ang lahat ng ‘pinpoints’ na panggagalingan ng mga pasahero ay walang magiging problema.

Sinabi naman ni Villafuerte na dapat mapaghandaan ng pamahalaan ang libu-libong mga pasahero na babiyahe ngayong holiday lalo’t ito ang unang pagkakataon na makakaalis sa kanilang mga tahanan ang marami sa mga kababayan.

Aniya pa, kung ‘seamless’ ang karanasan sa biyahe ng riding public ay tiyak na makatutulong ito sa mga isinusulong ng gobyerno na pagsasaayos sa hanay ng transportasyon.

Facebook Comments