Pinagtibay ng Court of Appeals ang hatol kay retired Major General Jovito Palparan kaugnay sa kasong kidnapping at serious illegal detention ng dalawang estudyante ng University of the Philippines noong 2006.
Batay sa desisyon ng CA First Division, pinagtibay nila ang hatol na reclusion perpetua o 40 taong pagkakakulong na walang parole kay Palparan at dalawa pang akusado na sina Lt. Col. Felipe Anotado, Jr. at Staff Sergeant Edgardo Osorio.
Noong 2018 nang hatulan si Palparan ng korte sa Malolos, Bulacan ng kidnapping at serious illegal detention dahil sa pagkawala ng dalawang UP students na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño.
Napag-alaman na pinasok at dinakip ng mga armadong kalalakihan sina Cadapan at Empeño mula sa kanilang ang inuupahang bahay noong June 26, 2006 bago dalhin sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Camp Tecson sa Bulacan, at iba pang kampo ng Militar sa Limay, Bataan at Iba, Zambales.
Ayon sa CA, matibay ang mga ebidensiya kaugnay sa mga kasong nakahain laban kina Palparan batay na rin sa testimonya ng mga nakasaksi.
Samantala, kamakailan lamang ay muling naging matunog ang pangalan ni Palparan matapos itong sumalang sa isang panayam ng SMNI kahit nasa loob ng New Bilibid Prison.
Ayon sa Department of Justice, hindi nasunod ang panuntunan ng Bureau of Correction kung kaya’t pinagpapaliwanag din nila si BuCor chief Gerald Bantag kung bakit ito nakalusot.