CAAP, nilinaw na pawang mga cargo lamang ang laman ng eroplanong galing ng Wuhan City, China

Nilinaw ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na walang sakay na pasahero ang eroplanong dumating kahapon na galing Wuhan City sa China.

Sa inilabas na pahayag ni CAAP Spokesperson Eric Apolonio, pawang mga kargamento ang sakay ng eroplanong Royal Air na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ang pahayag ng CAAP ay kasunod ng naglabasang larawan sa social media kung saan lumapag sa NAIA ang eroplano ng Royal Air, alas-12:13 kahapon mula sa Wuhan City na siyang pinagmulan ng COVID-19.


Iginiit pa ng CAAP na tanging mga cargo flights lamang ang pinapayagang ibiyahe mula China papunta ng Pilipinas at pabalik.

Sa ilalim pa ng panuntunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-IED), tanging mga Overseas Filipino Workers (OFW’s), Filipino citizens kabilang ang kanilang asawa at mga anak, mga permanent residents at foreign diplomats lamang ang pinapayagang makapasok sa Pilipinas habang umiiral ang Community Quarantine.

Facebook Comments