Cabanatuan City, makararanas ng pinakamataas na heat index sa April 23 ayon sa PAGASA

Aasahan na makakaranas ng 49 degree celsius heat index ang lungsod ng Cabanatuan sa Nueva Ecija sa April 23 o sa darating na araw ng Linggo.

Ito ang kinumpirma ni PAGASA Division Chief Director Marcelino Villafuerte II sa Laging Handa public briefing batay na rin sa kanilang heat index monitoring na nagsimula noong March 1.

Paliwanag ni Villafuerte ang heat index ay pinagsamang init ng temperatura, init ng hangin na dinagdagan ng humid na atmosphere kaya ang epekto nito ay maalinsangang pakiramdam sa katawan.


Ayon kay Villafuerte na una na silang nakapagtala ng pinakamataas na heat index sa bansa simula noong March 1 hanggang April 20.

Unang naramdaman sa San Jose, Occidental Mindoro ang 47 degree celcius heat index na pinakamataas na heat index habang kamakalawa, April 20 ay naramdaman sa Dagupan City ang 43 degree celsius heat index.

Payo naman ni Villafuerte sa publiko na para maiwasan natin ang mga sakit na dulot ng mainit na panahon, huwag tumagal na naka-expose sa init ng araw mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon kung saan katirikan ng araw.

Palagian ding uminom ng tubig at magdala ng pananggalan sa init ng panahon.

Facebook Comments