Cauayan City, Isabela- Patuloy na pinaghahanap ngayon ng mga otoridad ang CAFGU member na suspek sa pagpatay sa isang pulis na miyembro ng PNP Dinapigue, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Clarence Labasan, Hepe ng PNP Dinapigue, nakipag ugnayan at nakiusap na ito sa iba pang himpilan ng pulisya na makipagtulungan sa kanilang isinasagawang manhunt operation laban sa suspek na si Jarwin Marticio, kasapi ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) na residente ng Brgy. Dibulo, Dinapigue, Isabela.
Magugunita na noong gabi ng Enero 30, 2020 nang magtungo sa tabing dagat ang biktima na si PCpl Freddie Marcos, tubong Bayan ng Lasam, Cagayan kasama ang isa pang pulis na si Patrolman Mark Patrick T. Suyu upang maghanap umano ng cellphone signal.
Nang sila’y makarating sa lugar ay napansin ng mga ito ang dalawang lalaki sa isang videoke bar na kahina hinala ang mga galaw kaya’t nilapitan at sinita ito biktima.
Nagkaroon ng matinding pagtatalo ang biktima at suspek hanggang sa nauwi ito sa pamamaril ng suspek sa dibdib ng biktima gamit ang Caliber 9mm na baril.
Idineklarang Dead on arrival si PCpl Marcos nang siya’y isugod sa pagamutan na ngayon ay kasalukuyang nakaburol sa bahay ng kanyang asawa sa Centro, Sto Niño, Cagayan.
Inaasahan na masasampahan na ng kasong murder o pagpatay ang suspek bukas, Pebrero 4, 2020.