Cauayan City, Isabela- Nababahala ngayon ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan at lokal na pamahalaan ng Tuguegarao dahil sa patuloy na tumataas na bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.
Batay sa pag-aaral ng OCTA Research Group, kabilang ang Tuguegarao City sa pitong (7) LGU sa buong bansa na itinuturing na ‘areas of concern’ dahil sa mataas na kaso ng tinatamaan ng virus.
Kabilang ang iba pang LGUs gaya ng Quezon City, Muntinlupa City, Pateros sa National Capital Region maging ang San Pablo City sa Laguna; La Trinidad sa Benguet at Balanga sa Bataan.
Samantala, kasama rin ang lalawigan ng Cagayan at Isabela sa walong (8) probinsya sa bansa na may ‘high COVID-19 positivity rate gayundin ang Benguet, Bataan, Leyte, Ilocos Norte at Pangasinan.
Pangamba ngayon ng grupong nananaliksik na posibleng lumobo pa ang kaso ng COVID-19 sa mga nabanggit na lugar lalo pa’t papalapit ang holiday season.
Dahil dito, nababahala si Cagayan Governor Manuel Mamba sa sitwasyon ngayon ng Tuguegarao City dahil sa tumataas na bilang ng tinatamaan ng virus.
Kaugnay nito, pumalo sa higit 100 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Tuguegarao City na pawnag mga local at community transmission.
Pinuna ni Mamba ang hindi pag-apruba ng Regional Inter Agency Task Force (RIATF) na muling maisailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang lungsod sa loob ng isang (1) buwan.
Una nang ibinaba ang desisyon ng RIATF na hanggang Disyembre 20, mananatili ang MGCQ sa siyudad.
Bagamat inirerespeto ni Mamba ang naging desisyon ng RIATF, dalangin pa rin nito na hindi sana mangayri ang mga pagtaya ng eksperto ngayong ayaw aniya making ng LGU Tuguegarao at ng task force ukol dito.