Cagayan Delegates, Target na Makapag-uwi ng Medalya sa DepED Dos RISE

Cauayan City, Isabela- Patuloy ang ginagawang pag-eensayo ng mga delegado ng lalawigan ng Cagayan para sa pagsisimula ng DepED Dos RISE (Regional Invitational Sporting Events) sa Lunes, Abril 25,2022.

Sa ekslusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Edwin Tagal, Athletic Manager ng Cagayan Delegation, target nila na makapag-uwi ng medalya at makapagbigay inspirasyon sa iba pang atleta.

Aniya, kanilang sinisiguro na nasa maayos na kalusugan ang mga manlalaro bago pa man sumabak sa kompetisyon.

Ipinagmalaki naman nito sa nakalipas na tatlong taon ng manalo bilang Discipline, Cleanest at Eco-Friendly Delegation.

Bukod dito, nagsagawa rin sila ng 20-araw na in-house training kung saan istriktong ipinatutupad ang ilang alituntunin para maituon ng mga atleta ang kanilang mga sarili sa pag-eensayo.

Payo naman nito sa mga atleta ng Cagayan ang paglalaro ng may disiplina sa kabuuan ng nasabing aktibidad.

Samantala, inaasahan namang dadalo si DepED Secretary Leonor Briones sa pagsisimula ng sport events.



Facebook Comments