Pinatawan ng diskwalipikasyon ng Commission on Elections (COMELEC) si Cagayan Governor Manuel Mamba.
Sa resolusyon ng COMELEC Second Division, diniskwalipika si Mamba bilang kandidato sa pagka-gobernador sa lalawigan ng Cagayan noong May 9 elections.
Ang pasya ay kaugnay sa petisyon na inihain ni Ma. Zarah Rose de Guzman Lara na nakalaban ni Mamba noong nagdaang halalan.
Inakusahan ni Lara si Mamba na sangkot sa malawakang vote buying noong panahon ng kampanya kung saan ginamit ang pondo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan para sa mga programang “No Barangay Left Behind”, “No Town Left Behind” at Oplan Tulong sa Barangay”.
Sa akusasyon ni Lara mayroon ding ₱550,000,000 na halagang ipinamahagi sa lahat ng rehistradong botante sa Cagayan, kung saan ang bawat botante ay nakatanggap ng ₱1,000 sa ilalim ng programang “Krusada Kontra Korapsyon”.
Ayon kay Lara, ang mga hakbang na ito ni Mamba ay labag sa Sec. 68 ng Omnibus Election Code.
Sa desisyon ng COMELEC 2nd Division, sinabing ang mga ebidensya laban kay Mamba ay sapat para mapatunayang lumabag ito sa Sec. 25 at Sec. 2 ng Comelec Resolution No. 10747.
Sa ilalim ng Sec.2, pinagbabawalan ang mga public official na maglabas, mag-disburse o gumastos ng public funds mula Mar. 25, 2022 hanggang May 2022.