Tiniyak ng Cagayan Provincial Government ang kahandaan nito sa posible na namang pagtama ng bagyo sa Extreme Northern Luzon.
Binabantayan ngayon ng PAGASA ang Bagyong Gardo at ang kauna-unahang super typhoon ngayong taon na may international name na “Hinnamnor” na inaasahang papasok sa bansa mamayang gabi.
Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, nagpatawag na sila ng pre-disaster assessment sa lahat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMO) sa probinsya, volunteer groups at mga ahensya ng gobyerno partikular ang PNP, AFP, at DPWH.
Naka-preposition na rin ang “Task Force Lingkod Cagayan” sa walong lugar sa probinsya na siyang unang reresponde sa posibleng maging epekto ng bagyo.
“Nasanay na rin kasi kami, ‘cause we have two super typhoon already,” ani Mamba sa interview ng RMN DZXL 558.
“We have organized also, all our purok in the barangay, may mga task force disaster kami sa bawat purok. So lahat po ito naa-alert kaagad-agad,” dagdag niya.
Umaasa naman ang gobernador na hindi mapupurnada ng dalawang bagyo ang unti-unting pagbabalik-sigla ng turismo sa Cagayan na kamakailan lamang din ang sinalanta ng Bagyong Florita.
Maliban dito, unti-unti na ring lumalabas ang mga tao sa probinsya sa harap na rin ng patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19.
“Nag-o-open na rin kami ‘no. Yung mga hotel natin, medyo nag-i-increase na yung occupancy. Of course, maraming namatay na negosyo because of this [pandemic], pero kahit papano unti-unti bumabalik po ‘no,” saad ng gobernadora.
Samantala, umaasa rin si Mamba na lalong lalakas ang turismo sa Cagayan oras na magamit na para sa commercial flights ang bagong gawang paliparan sa Calayan Island.
Sa ngayon, hinihintay na lamang nila na maaprubahan ito ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).