Cauayan City, Isabela- Nanguna ang lalawigan ng Cagayan na may mataas na aktibong bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 na umabot na sa 138 batay sa pinakahuling tala ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Education and Promotion Officer Pauleen Atal, pumapangalawa ang Isabela na mayroong 130 aktibong kaso, sinundan ng Santiago City na may 41, Nueva Vizcaya na may 18, Quirino na may 3 habang zero case naman ang Batanes.
Sa kabuuan, pumalo na sa 3,505 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng virus sa Cagayan Valley kung saan ang probinsiya ng Isabela ang may pinakamaraming confirmed cases na umabot na sa 1,721; Cagayan (912), Nueva Vizcaya (656), Santiago City (204), Quirino (10) at Batanes (2).
Samantala, 3,123 na ang kabuuang bilang ng mga nakarekober sa virus sa rehiyon habang pumalo na sa 52 ang binawian ng buhay dahil sa COVID-19.
Muli namang pinapaalalahanan ang publiko na sundin pa rin ang standard health protocol para makaiwas sa posibleng paghawa ng virus.