Cagayan PPO, Nilinaw na Hindi ‘Indiscriminate Firing’ ang Pagkabaril sa isang Ginang

*Cauayan City, Isabela*- Nilinaw ng pamunuan ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) ang nangyaring insidente ng pagkabaril sa isang babae na pawang aksidente lang at hindi maituturing na indiscriminate firing noong Martes (December 31, 2019) sa Brgy. Gammad, Iguig, Cagayan.

Nakilala ang biktima na si Ginang Kathleen Lauigan, 48 anyos, may asawa, isang tindera habang ang suspek ay ang kanyang mismong asawa na si Arnold Lauigan, 50 anyos, tricycle driver at kapwa residente ng Brgy. Gammad.

Ayon kay Provincial Director P/Col. Ariel Quilang ng PNP Cagayan, pasado alas-otso ng gabi noong Martes ng makatanggap ng impormasyon ang PNP Iguig na may aksidenteng nabaril sa lugar kaya’t agad na nagtungo ang kapulisan sa pinangyarihan ng insidente.


Lumalabas sa imbestigayson ng pulisya, habang nililinis umano ng suspek ang kanyang baril sa lamesa ng kanilang bahay na sakto namang nasa tabi nito ang kanyang asawa ay aksidente nitong nakalabit ang gatilyo at nabaril nito ang misis sa kanyang hita na agad namang isinugod sa pagamutan

Tiniyak naman ni P/Col. Quilang na walang naitalang insidente ng indiscriminate firing o stray bullet sa katatapos na pagsalubong sa Bagong Taon.

Facebook Comments