Pumalo na sa 1,271 ang naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Cainta, Rizal.
1,068 ang mga gumaling o nakarekober, habang 40 naman ang nasawi dahil sa virus sa lungsod.
Ayon kay Cainta, Rizal Mayor Keith Nieto, kahapon ay mayroong 163 na active cases kung saan 13 ang bagong narekober.
Nagsagawa ang Cainta, Rizal Government ng rapid test sa People’s Center at swabbing sa ospital para mas marami umanong ma-accommodate na gustong magpa-test.
Paliwanag ng alkalde, ang pinakamaraming tinamaan ng COVID-19 ay ang Barangay San Andres na nakapagtala ng 41, sinundan ng Barangay San Juan 307, Barangay San Isidro na may 282 na positibo sa COVID-19 at ang pinakakaunting tinamaan ay ang Barangay Sta. Rosa na mayroon lamang kaso na 13 habang umakyat na sa 163 na active cases, 26 ang admitted at 137 naman ang naka-home quarantine.
Nagpa-abot ng pasasalamat si Mayor Nieto sa mga doktor na nagboluntaryong tumulong upang mapababa ang mga bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa Cainta, Rizal.
Dagdag pa ng alkalde na mahigpit pa rin ang kaniyang tagubilin sa mga Barangay Captain na ipatupad ang Health Protocols gaya ng pagsusuot ng facemasks at face shield upang matiyak na hindi mahahawaan ang mga residenteng lumalabas sa kanilang mga bahay.