Umapela ng tulong na pondo sa national government si Cataingan Mayor Felipe Cabataña para ayudahan ang mga residente nitong naapektuhan ng magnitude 6.6 na lindol sa Masbate kahapon.
Ayon kay Cabataña, halos ubos na ang pondo ng kanilang bayan dahil sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Paliwanag niya, hindi nila inaasahang magkakaroon ng lindol kaya hindi sila nakapaglaan ng pondo para sa mga ganitong kalamidad.
Nanawagan din ang alkalde ng donasyong tent bilang temporary shelter ng mga residente nitong takot pa ring pumasok sa kanilang mga bahay dahil sa nararanasang aftershocks.
Nangangamba rin kasi si Cabataña na hindi na masunod ang social distancing sa mga evacuation center dahil sa liit ng espasyo.
Tiniyak naman ng Malacañang na mabibigyan ng ayuda ang mga biktima ng lindol sa Masbate.