Pinatitiyak ni Senator Christopher “Bong” Go na magagamit ng wasto ang calamity fund para sa pagtugon sa epekto ng magkakasunod na bagyo sa bansa.
Ayon kay Go, suportado niya ang hakbang na itaas ng Kongreso ang alokasyon para sa calamity fund sa ilalim ng 2023 national budget.
Giit ng senador, tungkulin ng pamahalaan na matulungan kaagad ang mga tinamaan ng iba’t ibang kalamidad para matulungan ang mga biktima sa kanilang muling pagbangon.
Hiling ni Go na masiguro sana na magamit agad at magugol ng tama ang malaking pondo.
Inirekomenda naman ng mambabatas na mas magiging mabilis at mas maayos ang paggamit ng calamity funds kung may iisang departamento na nakasentro para sa pangangasiwa ng mga programa para sa relief, recovery at rehabilitation efforts.
Binigyang diin ni Go na kung maglalagay lang din ng mas malaking pondo para sa kalamidad ay mainam na ikunsidera ang pagkakaroon ng Department of Disaster Resilience (DDR) na pamumunuan ng isang secretary upang maging streamlined at mas empowered ang governing body at may pananagutan sa paggamit ng nasabing pondo.