Cauayan City, Isabela- Isinailalim sa tatlong (3) araw na lockdown ang Calayan island sa Cagayan simula ala-1 ng hapon nitong Martes, August 31, 2021 na magtatagal hanggang bukas, September 2, 2021.
Napagdesisyunan ito sa pagpupulong ng Municipal Inter-Agency Task Force na ilagay sa lockdown ng 72 oras o tatlong araw ang nasabing bayan upang maprotektahan ang bayan sa paglaganap ng COVID-19 virus.
Sa datos ng Provincial Health Office nitong Lunes, tanging ang Calayan sa Cagayan ang walang kaso ng COVID.
Habang ipinapatupad ang lockdown, wala munang biyahe papasok at palabas ng bayan maliban na lang kung ito ay emergency cases.
Ang mga Authorized Persons Outside Residence o APOR na pupunta sa bayan ay kailangan munang makipag-ugnayan muna sa munisipyo at dapat ay may maipresenta na negative result ng RT-PCR Test na hindi lalagpas ng 48 hours.
Isasailalim din sa isolation na hindi bababa ng pitong araw ang mga APOR na darating sa Calayan habang ang mga locally stranded individual o mga residenteng uuwi sa Calayan ay isasailalim naman sa 14 days na quarantine sa pasilidad ng lokal na pamahalaan.
Bawal din muna ang inter-island travel o pagbiyahe sa mga isla gayundin ang pagpunta sa mga barangay ng Camiguin Islands maliban kung ito ay emergency cases.