Cauayan City, Isabela- Nakapagtala na ng isang positibong kaso ng COVID-19 ang Calayan island sa lalawigan ng Cagayan matapos ang halos isang taon na walang naitatalang kaso.
Ayon kay Calayan Mayor Joseph Llopis, anak ng isang Sangguniang Bayan o SB Member sa naturang lugar ang nagpositibo na agad dinala sa pagamutan upang ipasuri kasama ang kanyang ina nang makaranas ng karamdaman matapos magpabakuna kontra COVID-19.
Lumabas ang resulta ng swab test ng anak ng SB Member na positibo ito sa COVID-19 subalit siya ay asymptomatic o walang sintomas ng nasabing virus.
Sa isinagawang contact tracing, posibleng nahawa ang pasyente sa nakasalamuha nitong kawani ng isang regional office na nagtungo sa kanilang isla.
Kaugnay nito, isasailalim sa semi-lockdown ang Calayan na kung saan ay hindi muna tatanggapin sa lugar ang mga hindi residente sa loob ng dalawang Linggo habang isinasagawa ang contact tracing sa mga posibleng direktang nakasalamuha ng nagpositibo.
Ipatutupad na rin ng lokal na pamahalaan ng Calayan ang skeletal workforce at work from home sa ilang mga kawani ng munisipyo upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng sakit sa empleyado maging sa buong mamamayan ng isla.